{Bitching about. . .}
Lyrics: Unwell MaTcHbOx 20
Kuro-kuro sa Independensya at Iba pa. . .
Ititigil ko muna ang nakakasawa kong pagtalakay sa aking mala-telenobelang buhay. Aking tutuunan ng pansin ang ating independensya. Kung iisipin natin, ano nga ba ang independensya? Sabi ng propesor ko sa aking JPRizal at Philhis ito raw ang pagiging malaya--malaya sa mga dayuhang impluwensiya at malayang pag-iisip--malaya. Kung ating hihimayin ang mga katagang naririto at ating ihahambing sa mga pangyayari sa ating bansa, tayo ay mapag-iisip kung talaga bang ating nakamit ang independensya.
MALAYA SA MGA DAYUHANG IMPLUWENSIYA-- Ang isang bansang katulad ng Pilipinas na kasalukuyang nagiging "tuta" at sunud-sunuran sa bansang puti ay matatawag bang malaya sa mga dayuhang impluwensiya? Matatawag bang independent ang isang bansa na inuuna pa ang pagiibayo ng isang bansang "pinalaya" sa isang rehimeng gobyerno kesa sa sariling mga problema sa kanyang teritoryo na mas nangangailangan ng pansin? Matatawag bang independent ang isang bansang kinakailangan pang sumandig sa balikat ng mga puting dayuhan para ilaban ang kanyang mga internal na gusot? Matatawag ba tayong malaya sa mga dayuhang impluwensiya kung ang mga namamayagpag sa ating mga telebisyon ay mga dramang inangkat pa natin sa mga karatig bansa at mga dilang kastilang bansa? Matatawag ba talaga tayong malaya sa mga dayuhang impluwensiya?
MALAYANG PAG-IISIP-- Isa bang pruweba ng malayang pag-iisip ang palagiang pagsang-ayon sa mga anunsyo at mga opinyon ng isang mayabang na bansa? Malayang pag-iisip ba ang pagsugpo sa mga mamayang ipinararating ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng mga rally o sa mga artikulo sa dyaryo? Malayang pag-iisip ba ang kitilin ang kalayaan ng mga tao sa pagsasabi ng kanilang kalooban? Malayang pag-iisip ba ang matatawag natin sa ating palagiang pagsangguni sa mga dayuhan tungkol sa ating mga problema?
Ito ay ilan lamang sa mga tanong na sumagi sa aking pakiwari habang ako'y nagmumuni-muni tungkol sa ating independensya. Nakakapanghinayang ngunit sa pagkakataong ito ay parang hindi ako makapaniwalang marami sa aspeto ng ating buhay ay maaring matawag na dependent sa mga dayuhan. Ngunit, sa kabilang dako ng mga argumentong ito, maari rin nating matawag na pag-abuso sa independensya ang nangyayari sa ating bayan. Minsan naiisip ko, siguro, sila Rizal at iba pa ay gumugulong na sa kanilang mga kinalalagyan ngayon. . .gumugulong sapagkat hindi natin nakamit ang kanilang pinapangarap na Pilipinas.
*****
DISCLAIMER: I'm so sorry for the grammatical errors in this Filipino entry. Its been a long time since I've written anything in straight Filipino. At least I tried. . . ^_^
*****
Err. . . Me thinks this entry's a tad bit self-righteous. . . these are just random thoughts I didn't even know were inside my head until I wrote about them. . . ^_^
Sana walang magalit.
No comments:
Post a Comment